MANILA, Philippines - Pinasisibak sa tanggapan ng Ombudsman ang ge neral manager ng Philippine National Railways (PNR) at apat na opisyal matapos masangkot sa anomalya sa pagbili ng lupa ng ahensiya noong 2002.
Sa 50-pahinang desisyon na inaprubahan ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro, napatunayan nilang guilty sa kasong grave misconduct sina Jose Ma. Sarasola II , General Manager ng PNR at mga board of Directors ng ahensiya na sina Felipe Siapno, Primitivo Cal, Waldo Flores at Antonio Bernardo.
Bukod sa pagpapasibak sa tungkulin, ipinag-utos din ng Ombudsman ang pag-alis ng lahat ng retirement benefits ng mga akusado at hindi na rin sila papayagan na makapasok sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Inabsuwelto naman ng Ombudsman sa kaso ang Chairman of the Board ng PNR na si Jose Cortez.
Si Sarasola ay matagal nang sinibak sa PNR sa panahon ng Arroyo government habang si Cortez, na dating Northrail president, ay ilang taon na ring namayapa.
Nag-ugat ang kaso sa umanoy illegal na bentahan ng lupang pag aari ng PNR sa barangay Poblacion Dagupan City dahilan sa umanoy hindi ito dumaan sa public bidding.